Pano mo ba malalaman kung love mo ang isang tao?
Wala lang. Naisip ko lang. Kase masyado ng overrated eh. Parang tipong 14 years old magsasabi na ng I love you sa jowang hilaw tapos after a few moments, heart broken na. Alam mo yun? Nawala kase yung essence ng totoong meaning ng love. Oh sige, pu-puwede natin isisi sa hormones nung bata-bata pa tayo, nung teenager moments ang dating. Pero gets? Sa sobra kaseng pagkakasabi ng I love you ng kung sino sino lang, eh parang di na totoo. Parang yung feeling na pag inulit-ulit mong sabihin ang isang salita, parang namamanhid na yung utak mo sa pagkakabigkas ng salitang 'yon eh parang di na niya alam kung ano ba yung meaning nun.
Labo ba? Oo, malabo talaga.
Pero di nga, pano mo nga ba talaga malalaman kung nagmamahal ka na? Ako kase 20 years old na ko eh di ko pa rin masagot. May reference point ba kung san mo i-babase ang love? Kapag ba kunware pag gising mo, yung taong yun agad naiisip mo? Yung tipong buong araw, kapag nagliliwaliw utak mo, eh mauutal ka bigla kase nabanggit mo na pala pangalan niya involuntarily? Love na ba agad yun? Yung kapag may narinig kang hardcore sa heartbreaking lyrics na kanta, eh yung taong yun ang kagad lilitaw sa utak mo? Tapos pag nanood ka ng romantic movie eh kahit anong plot nung story mapipilit mo pa rin yung love story mo kasama nung taong yun sa movie? Ganon na ba ang love? Love na agad? Di ba pwedeng nababaliw lang? PBB Teens?
Kase mas okay mabaliw, sa totoo lang. Personal na opinyon ko to, kaya wag ka mag taas kilay. Kase tignan natin 'to sa anggulong analitikal. Una, kapag in love ka tapos matino pag iisip mo, kada oras na bakante ang laman ng utak mo, magiging space filler yung taong minamahal mo. Kung baga parang malingat ka lang ng konte sa konsentrasyon mo sa homework, kahit isang segundo lang, parang yung pangalan niya na agad nasa isip mo. Eh kung baliw ka, ok lang. Parang hello, baliw ka nga eh. So hindi mo na kailangan i-justify ang mga bagay. Kung baga di ka accountable sa pagkakaisip sakanya. Diba mas okay baliw?
Pero kase okay lang naman ang ma-inlove. Ang masaklap lang, kapag di ka love nung kinaiinlaban mo. Yung tipong di ka naman talaga niya gusto simula pa lang, as in platonic lang talaga ang relasyon niyo. Oh kaya ex mo tapos siya naka move on na, tapos ikaw namamaga na yung eyebags mo sa kakalupasay kase miss na miss mo na siya.
Saklap noh? Yung pangalawa. Kase para sakin mas okay na yung una pa lang alam mo na na ayaw ka na kesa naman yung nasayo na nga, nawala pa. Pinatikim ka lang tas binawi rin, bastos eh. Eto kase yung nagiging madalas na dahilan kung bakit di ka maka-move on. Kase ikaw, ayaw mo pa mawala yung relasyon na yon, yung taong yun lang yung umayaw. Di ka pa ready mag let-go, eh wala ka na palang pinanghahawakan. Nandun na, iba nang kamay ang hawak.
Normal lang ba yung ilang taon na kayong hiwalay, yung tipong alam mong naka move on ka na, yung alam mo sa sarili mo na tanggap mo na talaga na wala na kayo, eh siya pa rin nasa isip mo PARATI? As in, always. Normal ba yun? Kase ako gusto ko ng tumigil yun eh. Di ko kase alam kung ano pa hinihintay ko para tuluyan na siya lumayas sa pagiisip ko. Minsan naisip ko nga na baka dapat makausap ko siya, yung aalamin ko lang kung kamusta siya, kung masaya ba siya sa buhay niya ngayon, kung worth it ba na di ko na siya pinaglaban, kung worth it ba na iniwan niya ko. Pero natatakot din ako eh, natatakot ako na baka pag nakausap ko na siya, pag narinig ko na boses niya, pag nakita ko nanaman yung mukha niya, eh tuluyan nanaman ako mahulog sa bangin. Masaklap doon, alam ko sa sarili ko na sasaluhin niya ko. Di nga lang ako sigurado kung kelan niya ko bibitiwan.
Nagtataka lang kase ako kung bakit kung sino pa yung taong pinaka naka sakit sayo, eh siya pa rin ang hinahanap mo. Di mo naman kase pupuwede piliin kung kelan ka titigil sa kahibangan mo na ikaw pa rin ang pipiliin sa huli eh diba? Kahit sabihin pa ng mga kaibigan mo na lilipas din siya sa buhay mo eh alam mo sa sarili mo na hindi. Kasi naging parte na siya ng buhay mo eh, pano pa lilipas ang isang bagay na ingrained na sa systema ng pamumuhay mo? Kahit ilang gallon pa ng detoxifying coffee ang inumin mo, papayat ka lang. Pero nasa loob mo pa rin ang kada kilobyte ng kung ano ka nung alam mong mahal mo pa siya. Akala ko nga dati pag sinubukan ko mag mahal ng iba, mawawala na pagmamahal ko sa kanya. Pero totoo, sinubukan ko talaga. Sa totoo lang sinuwerte ako sa taong to, sobrang bait, nasasakyan yung trip ko sa buhay, at ginagawa lahat para maging komportable ako. Alam ko na mahal ko naman siya, pero iba eh. Iba pa rin yung naramdaman ko date. Ibang klaseng pagmamahal yun, di ka-lebel neto.
Naiinis lang ako sa sarili ko pag naiisip ko toh eh. Kase gustong-gusto ko mahalin itong lalakeng toh na mas higit pa sa pagmamahal ko sa taong nakasakit sakin. Pero kahit anong pilit ko, kahit ilang dasal ko, kahit ilang beses kong talikuran yung nakaraan, eh di ko magawa. Di ko masasabing panakip-butas siya kase hello naman, parang magkaibang dimension sila. Di mo pwede ipagtaklob ang dimensions. Dimensions will always be similar, but never the same.